Kasaysayan ng Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas


Kasaysayan ng Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Ang artikulo'y nalathala sa magasing Ang Masa, pahina 7-8, isyu mula Enero 16 - Pebrero 15, 2012, kasabay ng kasagsagan ng impeachment kay Chief Justice Renato Corona)


nagtayo rin ng hukuman, at hukom na walang puso’t pawang utak ang pinili,
sa usapi’y katauhan ng may usap ang lagi nang batayan ng pasya’t hatol: katarungang makauri;
mga batas ang nagbadya:
ang maysala’y lalapatan ng katapat na parusa;
a, kamay ng katarungang kabilanin: isang lambat ng matandang inhustisya.
aligasi’y laging huli at kawala ang apahap;
ang katwira’y sa kalansing ng salapi nakukuha
- mula sa tulang Mga Muog ng Uri, ni Amado V. Hernandez

“at ang hustisya ay para lang sa mayaman” - mula sa awiting Tatsulok


Sadya nga bang para sa mayaman ang hustisya? Kamalayang makauri nga ba ang umiiral na hustisya sa bansa? Maaaring may  katotohanan ang mga ito, lalo na't susuriin natin ang mga naganap na maraming kabilaning hatol ng Korte Suprema, lalo na sa pagkiling sa mas maykaya sa lipunan, tulad halimbawa ng hatol na panalo ang mga manggagawa ng Flight Attendants and Stewards Association of the Philippines (FASAP) at final at executory na ang hatol, ngunit nabaligtad pa nang dahil lang sa isang liham, hindi motion, ng abugado ng Philippine Airlines (PAL) na si Estelito Mendoza. Gayundin naman, nabitay ang rapist na si Echegaray na isang mahirap, ngunit nakalaya na ang rapist na si Jalosjos na isang mayamang kongresista. 

May dapat nga bang kilingan ang Korte Suprema? Para nga lang ba sa mayayaman ang hustisya na nabibili sa kalansing ng salapi? Muog nga ba ng naghaharing uri ang Korte Suprema? Halina't balikan natin ang kasaysayan ng Korte Suprema.Ang Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas, o Korte Suprema, ang siyang pinakamataas na hukuman sa Pilipinas, at ito rin ang hukuman ng huling dulugan (court of last resort). Binubuo ito ng 1 Punong Mahistrado (Chief Justice) at 14 na Kasamang Mahistrado (Associate Justice). Sa pamamagitan ng Act 136 ng Second Philippine Commission, na kilala ring Judiciary Law, isinilang noong Hunyo 11, 1901 ang Korte Suprema. 

Panahong Primitibo

Bago dumating ang mga Kastila sa bansa, ang mga pinuno ng mga balangay, tulad ng raha at datu, ang siyang awtoridad sa batas. Sa mga unang panahon ng pananakop ng mga Kastila, ang kapangyarihang ito'y nasa kamay na ni Miguel Lopez de Legaspi, na siyang unang gubernador-heneral sa bansa, sa pamamagitan ng Royal Order nuong Agosto 14, 1569.

Panahon ng mga Kastila

Itinatag naman ang Royal Audencia nuong Mayo 5, 1583 na binubuo ng pangulo, apat na hukom at isang piskal. Ito ang pinamataas na hukuman sa Pilipinas. Nabago ang istruktura at katungkulan ng Royal Audencia nuong 1815 nang hinalinhan ang mga bumubuo nito ng punong mahistrado at nadagdagan pa ang mga kasamang hukom dito. At tinawag itong Audencia Territorial de Manila, na may mga sangay sa mga kasong sibil at salang kriminal. Sa pamamagitan ng Royal Decree nuong Hulyo 4, 1861, ang Royal Audencia ay naging purong sangay ng katarungan, bagamat ang mga desisyon nito ay maaari i-apela sa Korte Suprema ng Espanya na nasa Madrid.

Panahon ng mga Amerikano

Nuong 1898, sa panahon ng mga Amerikano, sinuspinde ni Gen. Wesley Merritt ang hurisdisyong kriminal ng Audencia at nagtatag ng hukumang militar. Noong Mayo 29, 1899, muling itinatag ang Audencia sa pamamagitan ng General Order No. 20 ni Maj. Gen. Elwell Otis, at ibinigay sa Audencia ang hurisdiksyon sa mga kasong sibil at kriminal, ngunit ito'y dapat sang-ayon sa soberanya ng Amerika. Pinangalanan sa Order na ito ang anim na kasaping Pilipino, sa pangunguna ni Cayetano Arellano bilang unang Punong Mahistrado. Samakatwid, ang Audencia ay nawala na sa pamamagitan ng Act 136 na siyang nagtatag ng kasalukuyang Korte Suprema, at nagbigay ng totoong independensya sa Korte Suprema, at hindi napapailalim sa kolonyal, militar o ehekutibo. Sa pamamagitan naman ng Administrative Code ng 1917, binasbasan nito ang Korte Suprema bilang pinakamataas na hukuman sa bansa, na binubuo ng siyam na kasapi - isang punong mahistrado at walong kasamang mahistrado.

Ang Kasalukuyan

Bagamat Pilipino ang natatalagang punong mahistrado mula 1901 hanggang 1935, mayorya ng mga kasapi ng Korte Suprema ay mga Amerikano. Naging pawang mga Pilipino ang mga mahistrado ng Korte Suprema nang maitatag na ang Commonwealth nuong 1935. Nang pagtibayin ng taumbayan ang Saligang Batas ng 1935, ang mga kasapi ng Korte Suprema ay lumaki - isang punong mahistrado at sampung kasamang mahistrado, na siyang umuupong en banc o dalawang dibisyong may tiglimang kasapi. Ayon sa Artikulo VIII, Seksyon 4 ng Saligang Batas ng 1987, labinglima na ang kasapi ng Korte Suprema na binubuo ng isang punong mahistrado at 14 na kasamang mahistrado. Nakasaad sa Artikulo VIII ng Saligang Batas ng 1987 ang kapangyarihan ng Korte Suprema, at sa pangkalahatan ay nahahati ito sa dalawa - ang katungkulang huridikal at katungkulang administratibo.

Ang lahat ng myembro ng Korte Suprema ay itinatalaga ng Pangulo ng Pilipinas, na batay sa listahang inihanda ng isang Judicial and Bar Council (Artikulo VIII, Seksyon 9 ng Saligang Batas ng 1987). Ang mga pagtalagang ito'y di na kinakailangan ng pahintulot ng Commission on Appointment.

Uring Pinanggalingan

Kung papansinin natin ang uring pinanggalingan ng mga naging Punong Mahistrado sa Pilipinas, halos lahat sila ay pawang nanggaling sa uring elitista, mula sa mga mayayamang angkan, at makadayuhan. Tulad halimbawa ni Cayetano Arellano, na unang punong mahistrado ng Korte Suprema. Isinulat ni Renato Constantino sa kanyang librong “A Past Revisited” na si Arellano ay “maka-Amerikanong tagasunod”. Ayon naman kay Dante Simbulan, “Other high positions given to top Federalistas were the following: Don Cayetano Arellano - chief justice, Don Victorino Mapa - associate justice. Sa artikulong “Fickle presidents, opaque JBC process, elitist court,” isinulat ni Malou Mangahas ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ):  “MOSTLY old, mostly male, mostly born and bred in imperious Luzon and all schooled in imperial Manila. Two in every three were jurists and bureaucrats in their previous lives, and thus, also mostly creatures of habit and routine. In the last 20 years, while 15 of the 80 nominees were female, only three women were eventually appointed. This seemingly impregnable enclave of the elite is actually the Philippine Supreme Court, the most majestic of all the country’s courts, the final arbiter of constitutional questions, and “the last bulwark of democracy” in the land.” At idinagdag pa niya, “And despite democracy’s rebirth in 1986, the Supreme Court remains an exclusive club, no thanks to the still largely opaque, weak, and snobby processes of two entities responsible for screening nominees and appointees to the tribunal: the Judicial and Bar Council (JBC) and the President of the Philippines.”

Dahil pawang mga elitista ang nasa Korte Suprema, paano matitiyak ng mamamayan na magiging kakampi nga niya ang mga mahistrado rito, at hindi sa mga tulad ni Lucio Tan ng PAL at Henry Sy ng SM? Sa isang liham lamang ng abugado ni Lucio Tan sa Korte Suprema, nabaligtad ang hatol na final and executory sa kaso ng FASAP. Dapat magkaroon mismo ng pagbabago sa Korte Suprema, lalo na sa pagpili ng mga mahistrado, upang ang hustisya ay hindi kikiling sa isang panig dahil sa kalansing ng salapi.

Pinaghalawan:
Supreme Court website - sc.judiciary.gov.ph/
Librong The Modern Principalia: The Historical Evolution of the Philippine Ruling Oligarchy, by Dante Simbulan
A Past Revisited, ni Renato Constantino
Saligang Batas ng Pilipinas ng 1987
wikipedia.org
PCIJ website

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mga Halimbawa ng Bulong

Mga Tala ng Aking Buhay - ni Gregoria de Jesus

Differences between Metro Manila, Greater Manila and Mega Manila