Talambuhay ni Huseng Sisiw

http://tagaloglang.com/Famous-Filipinos/Writers/jose-cruz-huseng-sisiw.html

Jose De La Cruz (Huseng Sisiw)

The following biography of Jose dela Cruz, popularly known by his pen name Huseng Sisiw, was written in Tagalog by Jose N. Sevilla y Tolentino in the early 1920s:



TALAMBUHAY NI JOSE DELA CRUZ

Ang pangalang itó ay bago sa mg̃a batang pandingig, nguni't sa mg̃a mawilihin sa Tuláng Tagalog ay isáng Talang nápakaliwanag. Siyá'y naging Guró ng ating Balagtás sa pagtula at lahát halos ng mg̃a binatang kanyáng kapanahón ay pawang lumuhog sa kanyá na itula ng mg̃a panambitan, liham, lowa, at mg̃a palabás dulaan na totoóng hinangaan at pinapurihan ng kanyáng mg̃a kapanahón.

Sa kanyáng kabataan ay wala siyáng nádamá kungdi pawang hirap, palibhasa'y anák dukha. Ang pintuan ng Páaralan ay bahagyá na niyáng nápasok, at matangi sa págunahing pagaaral na ginampanán ng kanyáng ali at sa isáng tanging guró na nagturo sa kanyá hanggang 40 año ay walang masásabing tinuklasán niyá ng dunong na naghatíd sa kanyá sa dalubhasang tawag na talaisip at pasimunò na sinunód na lagi ng kanyáng mg̃a kababata.

Umanó'y isáng araw, nang si Huseng Sisiw ay bata pang wawaluhing taón lamang ay naliligò siyá sa isáng ilog sa may tabi ng kaniláng bahay at nang mg̃a sandaling yaón ay dalawáng nagháhanáp ng táwiran upáng pasá ibayo at si Husé ang kinausap. Ang mg̃a Hesuita ay hindi marunong ng Tagalog at si Husé sa tulóng ng kanyáng pagkapalabasá ay nakapakipagintidihan sa mg̃a banyagang kausap sa sarili nilang wika.

Lubháng náhanga ang mg̃a Hesuita sa katalinuhan at pagkamagalang ng bata, kayá,t nalibáng na siyá'y kausaping mahabá ng sandali. Noón ay sádaraán ang isáng tao at sa pagka't hindi na nangakapagpatuloy ng pagtawid ang mg̃a Paré, ay inusisá na lamang kung sino ang batang kaniláng nákausap, kung kanginó anák at kung saán nagáaral.

«Siyá—anáng mg̃a Hesuita—ay isáng «batang-matanda» lubháng umindayóg ng pagiisip.»

Nang si Huséng Sisiw ay magbinatá na, ay dito na kinapánsinán ng isáng kainamang pananagalog, malalaking kaisipan, mg̃a laláng ng diwá na nakágigising ng pusong idlip kaya't halos ináakala ng mg̃a kanayon na siyá ay isáng tunay na pantás na nakatatarók ng lahát ng lihim.

Itó'y nagbuhat sa waláng maliw niyáng pagbabasá ng mg̃a Kasáysayan ng Biblia na natúturól niya ang mg̃a banháy na kailanganin sa pagsasalita, na ikinapaghinala ng madla na siyá'y isáng taong nakatátarók ng lahát ng pagbabagong dinaanan ng Daigdigan buhat sa mula at mula.

Nátuto siyáng magisá sa sarilíng sikap ng Filosofía, Cánones, Teología at iba pang mg̃a karunungan, gayón din ng latín at griego, tangi pa ng kastila na ginagamit niyáng parang sariling wika. Dahilán itó nang kung bakit nang panahóng yaón ay lubháng maraming paring Tagalog ang sumásangguni sa kanyá ng kanikaniláng mg̃a sermón na paubayang ipinababago sa kanyá kung mayroon siyáng hindi mainamin na nasang iwasto.

May isáng lalong himaláng ginawa si Huséng Sisiw nang siya'y anyayahan ng Kura sa Batangan na maglabás ng kanyáng mg̃a dula sa Pista ng Bayan doón, at sabihin pa ba, dinalá niyáng lahat ang kanyáng mg̃a siping yari, na mg̃a dulang bunga ng kanyáng waláng pagál na panitik at ipinagparangalan niya sa Kura na piliin ang nasang palabasin sa araw ng kapistahan, at sa masamáng palad ay waláng nápilì isá man ang Kura; nguni't ipinakita sa kanyá ang isáng «Kasaysayan» na siyáng nasang palabasin, at noón din ay binasa ni Husé at boóng tapang na nagsabing «Hindi tayo mápapahiya among».

Dispirás na ng Pista ng Bayan nangibigay sa kanya ang sipi ng «Kasaysayan» at ang ating si Huséng Sisiw, pagkabasang saglit ng kasaysayan ay tinipon ang kanyáng mg̃a «comediante» at isaisáng inanasán ng kanikaniyáng sásabihin na tila bumabasa ng isáng duláng yari at násusulat sa wikang Tagalog.

Kinábukasan ay nasok sa kuból si Huséng Sisiw at ang kanyáng mg̃a sinanay na mg̃a «comediante» ay nanganupád ng kaníkaniyáng tungkól sa dula ng boóng kasiyaháng loób ng lahát at tagingtangì ang Kura na lubhang námangha sa himaláng yaón na ipinamalas ni Huséng Sisiw.

At di lamáng itó ang katangian ni Huséng Sisiw. Siyá ay nakadidiktá sa limáng tagasulat kung siyá'y nagmamadali; gaya halimbawa ng kung may nagpápagawa sa kanyá ng anó mang katibayan, paányaya, sulat sa pangingibig at tula sa karangalan ni gayón at ni ganitó. Pinaúupo niyáng sabáy ang mg̃a tagasulat at sabáy na dinidiktahán ng kanikaniyá, ano pa't nakatátapos na lahát na sabáy at walang pánaghilian.

Tinawag siyáng si Huséng Sisiw, sa pagka't siyá ay mahiliging kumain ng sisiw, kailan ma'y áayáw siyá ng inahin ó tandang; maging sa mg̃a gulayin ma'y nasa niyá ang lalong mura ó wala pa sa panahon, kung makáisip siyáng kumain ng inihaw na baboy ay ang kaniyáng pinipili ay ang pásusuhín pa halos. At sa pagka't itó ang kanyáng himalíng lahát halos ng kanyáng mg̃a kaibigan na nagkákautang ng loób sa kanyáng magpasulat, ay dinádalhán siyá ng sisiw na lalong pinakamataba. At sa pamagát na Huséng Sisiw siya nákilala ng lahát ng kanyáng mg̃a kapanahón.

Si José Cruz ay tubò sa makasaysayang bayan ng Tundó at anáng marami ay siyá ang talagang ipinanganák na Makata. Nilang siya sa maliwanag niyaóng taóng 1778.

Umanó'y isáng araw ay pinagdayo siyá ng mg̃a Pantás at Dalubhasa ng kanyáng panahón upáng makilala ang dakiláng Makata at Guró nina Balagtás, «Florante» at ni Ananias Zorrilla sa «Dama Inés» niná Juan at Prudencio Feliciano sa kaniláng «Loco por el viento», «D. Alejandro at Don Luis», «Atamante at Manople», «Jason at Medea» at Dn. Gonzalo de Córdoba», at kalunguyò at lagí nang sinambit ni aling Manding (Agapita Bernardo Rivera) na tánungan ng mg̃a mánunulat noón ay nangyari ang ganitóng ságutan:

—Mang Husé, saán po nároón ang mg̃a aklát ninyóng sanggunian?

—Mg̃a Ginoó, ang aklatan ko po ay ang sariling pagiisip. Ináakala ko po na hindi kailangan ang isáng mayamáng aklatan kungdi násasaulo ang mg̃a linalaman noón.

Kung saán mapagkikita na si Huséng Sisiw ay isáng dalubhasang palalò, sanhi marahil nang hindi niyá ikinápagpalimbág ng kanyáng mg̃a katha.

Anáng mg̃a matatandáng aming nápagtanungán, si mang Husé ay lubháng maingat sa kanyáng mg̃a sulat at kailán ma'y hindi siyá nasiyahán sa mg̃a hináhangaan na ng ibá na kanyáng mg̃a katha, dahilan itó ng kung bakit iilán ang kanyáng «Corrido» na nakilala at ito'y ang «Clarita», «Adela at Florante» at «Teodoro at Clavela».

Tungkol sa may mahigít na kung ilang daáng «Comedia» at «Dula» ay nangingibabaw ang mg̃a itó: «La Guerra Civil de Granada», «Hernandez at Galisandra», «Reyna Encantada ó Casamiento por fuerza» at «Rodrigo de Vivar».

Si Huseng Sisiw ay naging Tagasuri ng mg̃a «Comedia» at «Dula» na itinatanghál sa «Teatro de Tondo» na ari ni G. Domingo Celis. Ang alin mang «Dula» ó «Cómedia» na kanyáng bigyán ng «subali» ay hindi natatanghál doón. Ang kanyang pasiyá ay walang tutol at iginagalang.
Ah Sayang na sayang, sayang nang pagibig
sayang nang sinsing cong nahulog sa tubig
cung icaw din lamang ang makasasagip,
mahangay hintin cong cumati ang tubig.

Itó umanó ay kanyáng tinula ng inip na inip na ng káhihintay sa isáng katipán na di dumaló sa tagpuan.

Si Husé ay laging pidagdamutan ni Kupido.  At nang isáng kataón ay tinugón siyá ng isáng dalaga na «Magsabi po cayo sa aquing mga magulang», ay tinugon pagdaka ng isáng tulá na gayari:

Sa aqu,i, huag mo nang matuimatuiranin
na may magulang cang dapat sanguniin
di baquin si Cristo ay nacapaghain
ng Langit cay Dimas, di may magulang din?

Tátapusin namin ang ulat na itó sa pagsipi ng iláng tulá ni Huséng Sisiw bilang aláala sa kanyáng kabantugan, nang huag matulad sa bula na ginahasa ng hangin; sa bangóng panandaliang linipasan ng halimuyak ó sa kawiliwiling tinis ng kanyáng kudyapi na napápawi sa pakinig, pagkalipas ng isáng saglit na pagkaalíw at pagkawili.
Oh caauaauang buhay co sa iba
Mula at sapol ay gumilio gilio na
Nguni,t, magpangayon uacas man ay di pa
Nagcacamit tungcol pangalang guinhaua.
Ano,t, ang ganti móng pambayad sa aquin
Ang aco,i, umasa,t, panasanasain
At ilinagac mong sabing nahabilin
Sa langit ang aua saca co na dinguin.
Ang aua ng langit at aua mo naman
Nagcacaisa na caya cung sa bagay?
Banta co,i, hindi ri,t, sa aua mong tunay
Iba ang sa langit na naibibigay.
Ano ang ganti mo sa taglay cong hirap.
Sa langit na hintin ang maguiguing habag?
Napalungi namang palad yaring palad
Sa ibang suminta,t, gumilio ng tapat.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mga Halimbawa ng Bulong

Mga Tala ng Aking Buhay - ni Gregoria de Jesus

Differences between Metro Manila, Greater Manila and Mega Manila