TRAPO, BIMPO, EPAL, AHAS at BOPAL
TRAPO, BIMPO, EPAL, AHAS at BOPAL
ni Benjo Basas, pambansang pangulo ng Teachers' Dignity Coalition (TDC)
Oktubre 15, 2013
(Mula sa kanyang kolum sa Pilipino Mirror, Oktubre 2013)
Ilan sa mga umuusbong na salita sa bukabolaryo ngayon sa ating bansa ay may kinalaman sa ating mga naihahalal na pinuno.
1. TRAPO o Traditional Politician- generic na katawagan sa tradisyunal na politiko. Mga pulitikong kadalasan ay mula sa malalaki at mayayamang angkan, gumagamit ng guns, goons at gold lalo kung halalan, may private army, mapanlinlang sa mamamayan at kadalasa’y sangkot sa katiwalian. Inuuna ng TRAPO ang kapakanan ng sarili at kanyang angkan kaysa paglilingkod sa bayan.
2. BIMPO o Batang Isinubo ng Magulang sa Politika- mga kabataang galing sa maimpluwensiyang pamilya na dahil sa pagtatapos ng termino ng ina, ama, kapatid, tiyuhin, tiyahin, pinsanin, lola o lolo ay tumatakbo rin sa anumang puwesto. Kung minsan nama’y dahil lamang sa kagustuhang makontrol ng isnag pamilya ang lahat ng posisyon lalo na sa lokal na pamamahala. Kadalasan ding walang karanasan sa paglilingkod ang mga BIMPO.
3. EPAL- salitang balbal na tumutukoy sa mga palaging umaagaw ng atensiyon at nanghihimasok sa hindi niya dapat pakialaman. Sa politika, tumutukoy sila sa mga politikong laging may nakasabit na tarpaulin na may malaki nilang mukha at pangalan upang ipaalam sa madla ang mga proyektong kanilang ginawa. O kaya’y bumabati sa piyesta, pasko, semana sanata, undas, anibersaryo ng maimpluwensiyang simbahan o nakikiluksa kunwari sa pagpanaw ng sinumang popular. Kabilang din dito ang mga politikong gagawin ang lahat maiulat lang sa media sukdulang pakialaman ang trabaho ng iba o kahit pa sumirko-sirko malagay lang sa diyaryo. Isa ring tatak ng EPAL ay ang itatak ang kanyang logo, mukha at initials ng pangalan sa tiles, pader, basketball court, poste, red-plated vehicles, school buildings, waiting shade, kalsada, railings ng tulay at maging takip ng imburnal. Tila ba sariling pera ng mga EPAL ang ginamit nila sa mga pagawaing bayan.
4. AHAS o Atleta, Host at Artistang Sikat. Ang mga nahahalal sa anumang posisyon na bagamat kulang sa karanasan at kakayahan ay nananalo sa eleksiyon dahil sa kanilang popularidad. Sinasamantala ang knailang kasikatan at pinalalawig ang impluwensiya nila hanggang sa politika. Ang kasikatan at pagkagiliw ng madla ang tanging puhunan ng mga AHAS upang makapuwesto.
5. BOPAL o Bogus Party List. Tumutukoy sa mga partidong lumalahok sa party list system na dapat sana ay alternatibong sistema ng representasyon ng mga mga tunay na marginalized sector na kinakatawan ng mga lider mula mismo sa kanila. Subalit kung ang mga namumuno, kumokontrol at kumakatawan sa anumang party-list ay mula sa mga TRAPO, AHAS, BIMPO at EPAL at malalaking pamilyang negosyante, ang party-list na ito ay tiyak na isang BOPAL.
Hindi pa natin naisama sa listahang ito ang mga nagmula naman sa religious sector na noong una ay nais lamang makaimpluwensiya sa mga botante pero ngayon ay sila na mismo at kanilang pamilya ang lumalahok sa halalan at kumukuha ng puwesto sa pamahalaan.
Ang mga ito ay sintomas lamang ng malalang sakit ng ating sinasabing demokrasya.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento