Alamat ng aswang

ALAMAT NG ASWANG
ni Greg Bituin Jr.

Ang sabi nila, ang aswang daw ay kampon ng demonyo, pero ayaw ng demonyo sa aswang. Hindi raw niya ito kampon.

Gayundin ang sabi ng aswang, hindi siya kampon ng demonyo, siya ay alagad ng diyos, ngunit dahil hindi maganda ang kanyang kaanyuan mula pa nang isilang, itinaboy siya ng mga alagad ng diyos dahil ang mga ito'y magaganda ang mukha, makikinis ang kutis, at matimyas kung umawit.

Inapi nila ang anghel na isinilang na pangit, magaspang ang kutis at garalgal ang tinig. Ang inaping anghel na iyon ang itinuring nilang aswang. Ang pangit na anghel, na tinawag na aswang, ay bunga ng panggagahasa ng isang demonyo sa isang magandang anghel, nang minsang ang magandang anghel ay napapunta sa purgatoryo upang tawagin ang isang kaluluwa roong matindi ang pagsisisi.

Nabuntis ang anghel, at dahil labag sa batas ng Maykapal ang aborsyon, dinala niya sa sinapupunan ng ilang araw ang bunga ng pagkapariwara. Hanggang sa iluwal sa sangmaliwanag ang bata. Hindi isang kerubin, kundi isang pangit na anghel - ang unang aswang.

Ang sanggol na iyon ay pinandirihan sa kalangitan, dahil hindi niya nakuha ang kakisigan o ganda ng mga kerubin. Hindi matanggap sa kalangitan na may isang lahi ng demonyo ang naroon. Kaya inatasan ng namumuno sa kalangitan na dalhin sa lupa ang bata, at doon ay manirahan.

Pinabayaan na ang bata sa lupa.

Ang bata ay nakita ng isang mag-asawang walang anak, ngunit hindi nila kinuha ang bata at pinabayaan na lang ito sa ilang dahil baka ito raw ay isang tiyanak.

Lumaki ang bata sa piling ng mga hayop na kumakain ng kapwa hayop - mga karniboro. Ang pinapakain sa kanya'y mga hilaw na laman at dugo ng hayop upang mabuhay. Dito nagsimula kung bakit mga laman at dugo ng hayop o tao ang nais kainin ng aswang.

Mga Komento

Mag-post ng isang Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mga Halimbawa ng Bulong

Mga Tala ng Aking Buhay - ni Gregoria de Jesus

Differences between Metro Manila, Greater Manila and Mega Manila