Pahayag mula sa "Mga lokal na samahan sa Syudad ng Navotas"
ANONG PROYEKTO ANG ITATAYO SA NAVOTAS COASTAL BAY RECLAMATION?
Noong Oktubre 9, 2020, nagkaroon ng public hearing ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas ukol sa P57.4 billion reclamation ng 576.7 hectare area sa baybayin ng Brgy. Tanza 1 and 2. Ang layunin daw ng reclamation project ay gawing "major seaport" ang Navotas sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga imprastraktura at samutsaring negosyo na magdadala ng magandang kabuhayan at pag-unlad sa mga mamamayan ng Navotas. Gagawan din daw ng mahabang highway na idudugtong ang Navotas sa tinatayong New Manila International Airport ng San Miguel Corporation (SMC) ni Ramon Ang.
Ngunit noong Disyembre 2021, natuklasan na lang ng publiko na may ibang balak si Ramon Ang sa reclamation project. Kaysa mga bagong industriya at negosyo ang itatayo, ang plano ng SMC ngayon ay magtayo ng dambuhalang "Liquified Natural Gas Power Plant" na may kapasidad lumikha ng 6.492 MW (megawatt) ng kuryente. Sa laki ng plantang ito, sasakupin nito ang halos buong area ng reclamation.
ANO ANG LIQUIFIED NATURAL GAS (LNG) O FOSSIL GAS?
Ang LIQUIFIED NATURAL GAS (LNG) ay isang porma ng "fossil fuel" na nabubuo sa parehong proseso tulad ng coal at krudo. Tulad nitong dalawa, kapag sinunog ang LNG, lumilikha ito ng enerhiya o kuryente. Tulad din ng coal at krudo, ang LNG ay tinuturing na maruming enerhiya na sumisira sa kalikasan at kalusugan, kaya mas akmang tawagin itong FOSSIL GAS kaysa LIQUIFIED NATURAL GAS.
ANO ANG EPEKTO NITO SA KALIKASAN?
Tuwing sinusunog ang Fossil Gas, bumubuga ito ng maruruming "greenhouse gases" tulad ng Carbon Dioxide at Methane na naiipit sa ating atmospera at pinapainit ang klima ng ating mundo. Dahil ang carbon dioxide at methane ay mas magaan pa sa hangin, aakyat ito papuntang atmospera at naiipon kasama ang iba pang greenhouse gas na matagal nang ibinuga mula sa iba't ibang mga coal at fossil gas plant. Ang pagtaas ng konsentrasyon ng mga greenhouse gas sa atmospera ay "parang kumot na binabalot ang ating daigdig". Pinapainit nito ang buong mundo, dahil ang sinag o init ng araw na tumatama sa mundo ay hindi na makalabas. Ito ang dahilan kung bakit nagbabago ang ating klima at dumadalas at lumalakas ang mga bagyong sumasalanta sa ating mga komunidad, panirahan, at kabuhayan. Ang pagtayo ng SMC ng planta ng LNG o fossil gas sa Navotas ay tiyak magdudulot ng mas marami pang bagyo na kasinglakas o mas malakas pa sa Typhoon Ondoy, Yolanda, Ulysses, at Odette.
Bahagi rin ng operasyon ng mga LNG Power Plant ay gumamit ng tubig bilang coolant (pampalamig) upang ma-regulate ang temperatura ng turbina na lumilikha ng kuryente para hindi matunaw o sumabog. Sisipsip ito ng tubig mula sa dagat o sa groundwater at gagamitin bilang coolant. Pag nagamit na ang coolant, tinatapon ito sa dagat na kaya't ang mga isdang naninirahan malapit sa baybayon ay agad namamatay.
Dagdag pa rito, kinokontamina din at pinapainit nito ang dagat. Kapag iinit ang dagat, maraming mga "plankton" o mga maliliit na pagkain ng isda sa dagat ay mamamatay kaysa kusang umiiwas din sila sa maiinit na parte ng dagat. Marami ring karanasan ang iba't ibang komunidad at mga manggagawa sa mga tagas ng power plant at pipelines ng Fossil Gas Plants. Ang mga tagas na ito ay combustible o madaling maglikha ng sunog kapag nasindihan. Isinasapeligro nito ang mga tao, hayop, tubig, at lupang taniman sa polusyon, malaking sunog at pagkawasak.
ANO ANG EPEKTO NITO SA KALUSUGAN?
Ayon sa mga pananaliksik ng mga siyentista't doktor, ang mga naninirahan malapit sa Fossil Gas Plant ay may 21% higher risk na magkaroon ng kanser (Witter, et al. 2013). Ang mga water source na nasasalaula ng Fossil Gas plant ay nagdudulot din ng depekto sa panganganak at kanser (Witter, et al. 2013). Mataas din ang tsansa na magkaroon ng mga respiratory disease o sakit sa baga (Hill, 2013). Ang katakot-takot pa sa Fossil Fuel ay mahirap mahanap ang tagas nito sa planta dahil wala itong amoy. Hindi agad mamamalayan ng manggagawa sa planta o residente ng malapit na komunidad na lumalanghap na pala sila ng Carbon Dioxide o Methane mula sa Fossil Gas Plant hanggang maramdaman na lang nila ang mga epekto nito sa kanilang kalusugan.
ANO ANG EPEKTO NG FOSSIL GAS PLANT SA PRESYO NG KURYENTE?
99.3% ng Fossil Gas sa Pilipinas na ginagamit para sa enerhiya ay mula sa Malampaya Gas Field na pinag-aawayan ng mga malalaking negosyante, tulad ni Dennis Uy, pamilyang Lopez, at ni Ramon Ang ng San Miguel Corp., na agresibong magtayo ng mga Mega LNF Power Plant sa bansa, at plano pang magtayo ng Navotas LNG Power Plant Project.
Ngunit, ayon sa Department of Energy, mauubos na ang laman ng Malampaya sa 2024. Kung paubos na ito, saan kukuha ng Fossil Gas ang planta na itatayo ng SMC sa Navotas? Tiyak aasa ang SMC sa imported na Fossil Gas. At dahil imported ito, tiyak din na tataas ang presyo ng kuryente na papasanin ng mga konsumer.
ANO ANG KAILANGAN NATING GAWIN?
Sa plano ng pamahalaan ng Lungsod ng Navotas, hindi nabanggit na may Navotas LNG Power Plant Project na itatayo ang SMC. Nakababahala ito dahil may pahintulot sa Department of Energy (DoE) ang SMC na magsagawa ng system impact study at napag-alaman nating agresibo nang nangangalap ng mga investor para maisakatuparan ang proyektong ito.
Dahil sa biglaan, palihim, at kaduda-duda ang prosesong ginagawa ng SMC sa pagtutulak ng proyektong ito, mahalagang malaman ng mga mamamayan ng Navotas ang sagot sa mga sumusunod na tanong:
Bahagi ba ng Navotas Coastal Bay Reclamation ang Navotas LNG Power Plant Poject? Ito ba talaga ang orihinal na balak ng SMC? Kung ganoon nga, alam ba ito ng Pamahalaang Lungsod?
Kinunsinte na ba ng Pamahalaang Lungsod ang pagtatayo ng Navotas 6,492 MW LNG Power Plant? Makikinabang ba talaga ang mga mamamayan ng Navotas sa proyektong ito? Alam ba ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas kung gaano kadelikado ang itatayong Fossil Gas (LNG) Plant?
Hahayaan na lang ba natin ang SMC na ipagpatuloy ang proyektong ito? Kailangang magkaisa ng mga mamamayan ng Navotas upang masagot ang mga tanong na ito at maprotektahan ang ating mga karapatan, kalusugan, kalikasan, at kabuhayan, sa kabila ng kapinsalaang idudulot ng Navotas LNG Power Plant ng SMC!
Mga lokal na samahan sa Syudad ng Navotas
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento