Liham sa Pangulo - Itigil ang Kaliwa Dam
ITIGIL ANG KALIWA DAM
Ipaglaban ang Buhay at Kabuhayan, Sagipin ang Sierra Madre, Iligtas ang Pilipinas sa Utang
Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam
Pebrero 15-23, 2023
Gen. Nakar, Quezon - Malacañang
Pebrero 13, 2023
KGG. Ferdinand Marcos, Jr.
Pangulo
Republika ng Pilipinas
Palasyo ng Malakanyang
Mahal na Pangulo,
Kami po ang mga Katutubong Dumagat-Remontadong direktang apektado ng itatayong dambuhalang Kaliwa Dam. Kami po ang mga pamayanang ilulubog (Makid-ata, 43 pamilya, Daraitan, 1,261 pamilya), iigahan (Yokyok, 52 pamilya), at papataging lugar (Baykuran, 47 pamilya) na may kabuuang mahigit na animnalibong populasyon at mahigit 1,400 pamilya. Kasama namin ang iba pang mga pamayanang Dumagat-Remontado sa General Nakar, Quezon at Tanay, Rizal na may-ari ng kabuuang 188,308 ektaryang lupaing ninuno na may dalawang Certificate of Ancestral Domain Titles, CADT No. R04-NAK-1208-097 (Nakar) at CADT No. R04-TAN-0709-130 (Tanay) na kinilala ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP).
Sa loob mismo ng aming lupaing ninuno itatayo ang 63 metrong Kaliwa Dam. Tatanggalan kami nito ng aming pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan. Ilulubog nito ang aming mga pagkaing gubat (bago, bulala, palaspas, pangi, at iba pa), lamang ugat (agakat, paynot, abukot, nami, yuro at iba pa), niyugan, prutasan, gulayan, at taniman ng kamote, gabi, at iba pa, at mga halamang gamot (saltiki, saynat, anonang, at iba pa). Ang mga palayan sa amin sa ibaba ay nanganganib mawalan ng kanilang patubig.
Ipagkakait nito sa amin ang mangisda sa aming ilog na pinanghuhulihan namin ng iba't ibang uri ng isda pang-araw-araw: palos, karpa, banak at iba pa. Pagbabawalan na kaming makapanghuli ng baboy damo at usa at manguha ng pukyutan, almasiga at ratan. Mawawala ang turismo sa paglubog ng rock formation ng Tinipak River, ang pinagkukunan ng kabuhayan ng marami sa amin bilang tour guide, tindera, bangkero, at iba pa.
Sasagkaan ng dam na ito ang karapatan naming mabuhay at gumalaw nang malaya sa aming lupaing ninuno. Ngayon pa lang, nararanasan na namin ang mga pagbabawal na ito. Hinihigpitan na kaming pumasok at lumabas sa Access Road, sa Kamagong, Infanta, Quezon.
Ilulubog nito ang aming mga kabahayan, sagradong lugar at kultura. Sa paglubog ng Tinipak River at Cave, at mga sagradong lugar, mawawalan ng tradisyunal na pondohan o lugar na pinagtuturuan sa mga kabataang Dumagat-Remontado na mangisda, mangaso, maggamot, at iba pang hanapbuhay.
Pinag-aaway at pinaghahati-hati ng proyektong ito sa kampo ng YES at kampo ng NO ang aming mga pamilya, kamag-anakan at pamayanan.
Ilalagay nito sa panganib ang libu-libo pang mamamayan ng Real, Infanta, at Nakar sakaling magiba ang dam dala ng lindol o anumang sakuna.
Palulubugin nito ang 291 ektaryang kagubatan ng Sierra Madre na pinagpupugaran ng mga samu't saring buhay kasama ang agila. Ang kabundukang Sierra Madre po ang alam naming tumutulong sumalag sa mga papalakas na mga bagyong tumatama sa ating bansa sanhi ng pagbabago ng klima. Ang aming mga pamayanan ay biktima mismo ng mga bagyong ito at ng pagbaha ng aming mga ilog. Ayaw naming ang anumang proyekto sa loob ng aming lupaing ninuno, tulad nitong Kaliwa Dam, ay makadagdag pa sa paglubhang ito ng pagbabago sa ating klima.
Lalong ibabaon nito sa utang (12.2 bilyong piso) ang ating bansa lalo na sa Tsina na nagtatakda ng mas mataas na interes (2%) kung ihambing sa iba (0.25%). Kasama kami sa magbabayad ng utang na ito sa pamamagitan ng aming buwis, sa tuwing bumibili kami ng bigas o gasolina sa aming mga habal-habal, at iba pa.
Kasama ang aming kumpederasyong PAKISAMA, mga kinatawan ng iba't ibang sektor at samahang nakapaloob sa ALMADAM, at Stop Kaliwa Dam Network (SKDM), at iba pang organisasyon o koalisyon, 300 kaming naglalakad ng 150 kilometro mula Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula ika-15 hanggang ika-23 ng Pebrero, 2023.
Ipapahayag po namin sa Sambayanang Pilipino at sa buong mundo ang mariin naming pagtutol sa plano ng pamahalaang itayo ang dambuhalang Dam sa aming lugar. Hindi po kami pumapayag na ilulubog ng proyektong ito ang aming mga pamayanan, mga kabahayan, kagubatan, sakahan, pangisdaan, mga sagradong lugar, at kultura. Matagal na naming sinasabi ito sa iba't ibang pagpupulong, sa pahayagan at mga mobilisasyon. Ngunit gumagawa ang inyong ahensiyang National Commission on Indigenous People (NCIP) at Metropolitan Waterworks Sewerage System (MWSS) ng iba't ibang paraan upang suhulan, takutin, at linlangin kami hanggang may makuha silang mga lider na pumayag. Dumaan kami sa lehitimong proseso ng Free, Prior and Informed Consent (FPIC). Ngunit ang NCIP mismo ang hindi sumusunod sa sarili nitong guidelines. Sa General Nakar, Quezon, lima sa anim na cluster ng pamayanan sa loob ng tatlong konsultasyon ang nagpahayag ng pagtutol. Ngunit nagsagawa pa rin ang NCIP ng ikaapat na konsultasyon ng mga piling lider upang baliktarin ang tinig ng aming mga pamayanan. Sa ikaapat na assembly, 116 lamang sa 508 na dumalo ang pumirma sa resolution of consent. Lahat ng 116 na pumirma ay wala sa direktang apektadong pamayanan sa Gen. Nakar. Bakit nabigyan ang proyekto ng Certification Precondition?
Hindi rin po kami maramot. Naiintindihan naming kailangang may mapagkukunan ng tubig-inumin ang 14 na milyong mga naninirahan sa kaMaynilaan. Wala pong problemang gamitin ang tubig ng Kaliwa River. Huwag lang pong sirain ang aming pamayanan, kabuhayan, sakahan, pangisdaan, kabundukan, sagradong lugar, at kultura. Huwag din pong ilagay sa panganib ang libu-libong pamilya sa ibaba, ang samu't saring buhay sa kabundukan at ilog at ibaon ang bansa sa utang.
Meron namang ibang proyektong mas makatao, makakalikasan, at makamamamayan. Marahil alam na ninyo ang iba't ibang alternatibong proyektong ito. Bakit hindi po pondohan ng pamahalaan ang pagprotekta at rehabilitasyon ng mga nakakalbo nang mga watershed at ng kasalukuyang mga dam? Bakit hindi po n'yo ipatupad ang pagkolekta ng tubig-ulan sa kaMaynilaan at iba pang paraan ng pagtipid sa tubig? Maraming alternatibong paraan ng pagsisiguro ng tubig para sa kaMaynilaan, at hinihiling namin na magkaroon ng malawakang pag-aaral sa mga alternatibong solusyon na makabubuti sa kalikasan at kapakanan ng lahat - hanggang sa susunod pang salinlahi.
Mahal na Pangulo, ibinoto po kayo ng maraming Pilipino, kabilang ang marami sa amin, sa pag-asang magkakaroon ng pagkakaisa ang taumbayan, at magiging makatarungan, makatao at makakalikasan kayo sa inyong pamamahala. Ang proyektong Kaliwa Dam ay hindi makatarungan, lumalabag sa batas pangkatutubo (RA 8371: IPRA Law), pangkalikasan (PD 704: Forestry Law), at mga karapatang pantao. Hindi ito magdudulot ng pagkakaisa kundi lalong pagkakawatak-watak sa mga pamayanang Pilipino at magbubunsod ng patuloy na kaguluhan.
Hinihiling po naming ipahinto ninyo ang proyektong ito na hindi naman kayo ang pasimuno. Narinig na ng kapatid niyong si Senadora Imee ang aming mga panawagan sa isyung ito nang siya pa ang Chairwoman ng Senado patungkol sa mga Katutubong Pamayanan.
Hinihiling po naming ipahinto ninyo agad ang ginagawa nang pagta-tunnel sa Teresa, Rizal sa kabila nang hindi pa tapos ang proseso ng pagbibigay ng FCIP sa proyekto. May nakasalang pa kaming Motion for Reconsideration na bawiin ang Certification Precondition na iginawad ng NCIP Enbanc sa proyekto. Hinihiling din naming kanselahin ang iginawad na Environmental Compliance Certificate (ECC). Hanggang ngayon hindi pa rin sinasagot ng DENR ang 27 tanong ng aming katulong na eksperto sa Environmental Impact Assessment ukol sa ginawa ng DENR na maanomalyang Environmental Impact Assessment.
Nais din naming ipaabot sa inyo, mahal na Pangulo, halos dalawang libo na ang pumirma sa aming online petition (change.org/stopkaliwadam), di pa kasama ang mga pumirma offline. Kasama rin namin ang boses nila sa Alay Lakad na ito.
Sa ika-23 ng Pebrero, magtatapos na po ang aming alay-lakad sa harap ng Malacańang. Nawa buksan ninyo ang inyong Palasyo at kausapin ang aming mga kinatawan, pakinggan, at gawaran ng makatarungang pagpapasya ang proyektong ito.
Maraming salamat po.
Gumagalang,
(Original Signed)
SELVINO DELA CARZADA ASTOVEZA
ELder-Gemot
Pamayanan ng Makid-ata, Brgy. Pagsangahan, General Nakar
GLORIA DELA CRUZ BUENDICHO
Kakaksaan
Pamayanan ng Baykuran, Brgy. Pagsangahan, General Nakar
LUCILA FORTUNADO ASROVEZA
Kakaksaan
CRISANTO ASTOVEZA DELA CARZADA
Sitio Yokyok, Brgy. Pagsangahan, General Nakar
BELLA DELA CARZADA DAZ
NELLY ABENILLA DELA CARZADA
Indigenous People Political Structure
Brgy. Daraitan, Tanay, Rizal
MARITES PAUIG
Pangulo, Samahang Uugit sa Karapatan ng mga Katutubong Dumagat-Remontado ng Tanay sa Lupaing Ninuno (SUKATAN-LN)
RICARDO TURGO
Pangulo, Samahan ng mga Katutubong Agta, Dumagat, Remontado na Binabaka at Pinagtatanggol ang Lupaing Ninuno (SAGIBIN-LN)
MA. CLARA R. DULLAS
Pangulo, Samahan ng mga Kababaihang Dumagat ng Sierra Madre - K-GAT Inc.
ALVIN REYES STA. ANA
Board Member, Samahang Kabataang Dumagat-Remontado (SaKaDuRe)
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento