Maikling paliwanag ukol sa Buwis sa Yaman (Wealth Tax)
Inilathala natin ang "Maikling Paliwanag Ukol sa Buwis sa Yaman (Wealth Tax) na ipinamahagi sa Wealth Tax Assembly noong Hunyo 29, 2024 sa UP Integrated School. Ang nasabing pagtitipon ay pinangunahan ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) at Asian People's Movement on Debt and Development (APMDD).
MAIKLING PALIWANAG UKOL SA BUWIS SA YAMAN (WEALTH TAX)
Ang dapat na sistema ng pagbubuwis ay pantay at equitable. Ang Kongreso
ay dapat na maglunsad ng progresibong sistema o uri ng pagbubuwis.
- Artikulo VI, Seksyon 28 (1), Saligang Batas ng 1987
Ano ang wealth tax o buwis sa yaman?
Ang wealth tax ay buwis na maaaring ipataw sa yaman ng isang taxpayer at ito ay maaaring singilin mula sa kanya ayon sa market value ng mga assets o ari-arian tulad ng bahay, lupa, mga sasakyan, pera sa bangko, stocks at iba pang mga pag-aari niya na bumubuo sa kanyang kabuuang yaman. Iba ito sa income tax o buwis na ipinapataw sa kita ng isang indibidwal. Ang buwis sa kita ay ibinabawas sa mismong sinasahod ng isang manggagawa. Samantala, ang wealth tax ay buwis na ayon sa net worth o sumatotal ng lahat ng ari-arian ay yaman ng isang indibidwal, gaya ng nabanggit sa itaas.
Sa madaling salita, ang wealth tax ay isang uri ng progresibong pagbubuwis dahil ang halaga ng buwis ay batay sa kabuuang yaman ng isang indibidwal. Habang lumalaki ang yaman, lumalaki ang buwis na dapat bayaran. Dahil nakabatay ito sa tunay na halaga ng kabuuang yaman ng isang indibidwal, hindi lamang sa sahod o sa kitang pampinansyal, mas naku-kwenta ang halaga ng buwis na dapat bayaran. Kung tutuusin, ang kayamanan ng mga bilyonaryo ay hindi naman galing sa buwanang sahod tulad ng karaniwang empleyado, kundi galing sa iba't ibang ari-arian na higit pa ang halaga sa idinedeklara ng income tax.
Ang wealth tax ay nakatuon sa mga indibidwal na kabilang sa listahan ng mga pinakamayaman o bilyonaryo sa bansa. Kailangan nating maging alisto dahil maaaring naka-depende pa rin sa ating mga mambabatas kung sino ang gusto nilang mapabilang sa mga maaaring sakupin ng isang batas sa wealth tax.
Ayon kay Prof. Eduardo Tadem, PhD, ng Uibersidad ng Pilipinas (UP), ang buwis sa yaman ay maaaring malaking tulong sa pagkalap ng pondo para sa kabang yaman ng bansa. Ang dagdag na revenues ay maaaring gamitin upang maibsan ang epekto ng mga krisis na dinaranas ng bansa, na palaging mga maralita at mga manggagawa ang pinaka-apektado. Sa ganitong paraan, magagamit ang wealth tax upang malabanan ang inekwalidad o hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan, at maisulong ang hustisyang panlipunan. Direkta nitong matutugunan ang mga isyu tungkol sa inekwalidad at kawalan ng sapat na pondo para sa mga pampublikong serbisyo - gaya na lamang ng edukasyon, kalusugan, at transportasyon para sa kapakanan ng mga manggagawa, kababaihan, bata at kabataan.
1 Batay sa ilang bahagi sa pag-aaral at pananaliksik ni Prof. Eduardo Tadem sa tulong ng at paglalathala ng Asian People's Movement on Debt and Development (APMDD) na pinamagatang "inequality, tax justice, and the Philippine wealth campaign".
Tadem, Eduardo C. "Tax the Rich! Nine Reasons for a Wealth Tax." Center for Integrative and Development Studies, 2022.
https://cids.up.edu.ph/policy-brief/tax-rich-nine-reasons-wealth-tax/.
Progresibong Pagbubuwis laban sa Regresibong Uri ng Pagbubuwis
Ang wealth tax ay isang uri ng progresibong pagbubuwis na direktang salungat sa regresibong uri ng pagbubuwis. Ayon sa ActionAid International, ang ibig sabihin ng Progresibong Pagbubuwis ay tumataas ang porsyento ng buwis na ipinapataw habang tunataas ang halaga ng mga ari-arian, kayamanan at/o kita ng isang indibidwal. Ang sistemang ito ay patas at makatarungan dahil naaayon sa kakayahan ng isang tao ang buwis na dapat niyang bayaran.
Ang Regresibong uri ng Pagbubuwis naman ay direktang kasalungat ng Progresibong Pagbubuwis. Sa regresibong pagbubuwis, ang buwis ay tinatasa anuman ang kita. Ang mga mababa at mataas ang kita ay nagbabayad ng parehong halaga. Hinihigop nito ang mas malaking porsyento ng kita ng mga walang kaya at mas maliit na porsyento ng yaman at kita ng higit na may kakayahang magbayad. Kaya't itinuturing na regresibo ang mga buwis na ipinapataw sa "uniform rate" o patas na buwis anuman ang kakayahan ng taxpayer. Regresibo dahil pareho lang ang babayaran ng taxpayer, mayaman man o mahirap. Ang ganitong buwis ay nagpapalala ng hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan.
Higit na malaking porsyento ng kita ng isang manggagawa ang hinihigop ng isang regresibong pagbubuwis. Ang isang halimbawa ng Regresibong Pagbubuwis ay ang Value Added Tax o VAT na ipinapataw sa maraming produktong binibili natin sa mga tindahan. sa Pilipinas ngayon, 12% ang dagdag singil para sa VAT sa mga bilihin. Mayaman man o mahirap - maliban na lang kung Senior Citizen o PWD - patas lang ang binabayaran natin na VAT. Kung P12 ang kailangang bayarang VAT sa isang produktong nagkakahalaga ng P100, magiging P112 na ang presyo ng produktong iyon. May diperensyang P12. Sa isang bilyonaryo, barya lamang ang P12, ngunit para sa isang obrero, isang nanay, sa isang estudyante, malaking halaga ito. Regresibo ang mga buwis na ganito, direktang salungat sa Progresibong Pagbubuwis na isang prinsipyong malinaw na binanggit sa Saligang Batas ng Pilipinas ng 1987 (Artikulo VI, Seksyon 28 (1).
Karamihan sa mga buwis na kinokolekta ng gobyerno sa atin ngayon ay katulad nitong 12% VAT. Tinatawag itong hindi-tuwirang pagbubuwis (indirect tax) dahil hindi naman tuwirang ipinapataw ito sa yaman o kita ng taxpayer kundi sa samutsaring produkto at ang konsyumer ang nagbabayad nito. Dito tahasang nakikita ng inekwalidad sa kasalukuyang sistema ng pagbubuwis sa bansa.
Maaari ring tawaging regresibong buwis, na kahit na mukhang progresibo o patas sa disenyo o anyo, ay magkakaroon pa rin ng di pagkakapantay na resulta dahil higit na tinatamaan ng negatibong epekto ang maralita kaysa sa mga maykaya. Isang halimbawa ay ang excise tax sa krudo o langis, na ang sabi ng iba ay hindi naman daw regresibo dahil mas malakas ang pagkonsumo ng gasolina ng mga mayayaman, sa dami ng kanilang mga sasakyan. Ngunit dahil naaapektuhan ng excise tax ang presyo ng mga bilihin, mas malaki pa rin ang negatibong tama ng pagtaas ng excise tax sa mahihirap kumpara sa mga mayayaman. Ang ganitong buwis ay hindi patas dahil kahit gaano pa kaliiit ang ating sinasahod, parehas na excise tax ang sinisingil sa atin.
Samakatuwid, malaking bahagi ng kinikita ng mga maralita ay napupunta sa pagbabayad ng buwis kumpara sa bahagi ng yaman at kita ng mga bilyonaryo kung patas lang ang ipinapataw na buwis sa iba't ibang produkto at serbisyo. Kung ganito nang ganito ang disenyo at takbo ng sistemang pagbubuwis sa Pilipinas, hindi lang ito salungat sa diwa ng progresibong pagbubuwis na nakalahad sa ating Saligang Batas, lalo lamang lalalim at lalala ang hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan - ang mayayaman ay lalong yumayaman, at ang mga mahihirap ay lalong naghihirap.
Bakit kailangan ng wealth tax?
Sa mga nagdaang dekada, mas lumaki pa ang agwat ng yaman sa pagitan ng uring manggagawa, masa, maralita, at sa nga kapitalista. Ayon sa Wealth Inequality Report 2022, ang kasalukuyang antas ng pandaigdigang di pagkakapantay-pantay sa yaman ay maihahalintulad na sa antas ng hindi pagkakapantay-pantay noong kasagsagan ng kolonyalismong Kanluranin noong unang bahagi ng ika-20 siglo. Mula 1995 hanggang 2021, ang pinakamayamang 1% sa buong mundo ay nagmamay-ari ng 38% ng pandaigdigang likas-yaman, habang ang pinakamababang 50% ay nagmamay-ari lamang ng 2% ng likhang yaman. Sa Timog-Silangang asya, ang pinakamayamang 10% ay nagmamay-ari ng malapit sa 70% ng yaman sa rehiyon habang ang mababang 50% ay nagmamay-ari lamang ng 5%. Ang Pilipinas ay isa sa pinakamalala sa larangan ng hindi pagkakapantay-pantay sa yaman sa Timog-Silangang Asya, kung saan ang pinakamayamang 1% ay nagmamay-ari ng 17% ng pambansang kita, habang ang pinakamababang 50% ay nagmamay-ari lamang ng 14%.
Sa pagsulong ng wealth tax, magkakaroon ng bagong mekanismo o paraan upang makakolekta ng buwis na maaaring magamit ng pamahalaan upang mabigyang sagot o solusyon ang mga problema at krisis na kinakaharap ng bansa. Mga krisis na ang masa, mga manggagawa, maralita, at mga kababaihan ang pumapasan. Matatandaang binitbit ni Ka Leody de Guzman ang kampanya sa wealth tax noong siya;y tumakbo bilang pangulo ng Pilipinas. Kanyang nabanggit na kung sakaling maisabatas ang wealth tax, maaaring gamitin ang makakalap na pondo para sa pagpapataas ng sahod ng mga manggagawa, at pagtatatag ng mga bagong lokal na industriya.
Samakatuwid, ang pagtupad sa wealth tax ay isa sa mga unang hakbang na maaaring tahakin ng pamahalaan upang mabigyang sagot ang patuloy na paglala ng inekwalidad o hindi pagkakapantay-pantay.
Nasubukan na ba ang ganitong uri ng pagbubuwis? Ano ang nangyari?
May mga bansa na may wealth tax o nagpatupad na ng wealth tax. Noong 2021 lamang ay isinagawa ang "one-time wealth tax" ng bansang Argentina kung saan siningil ng gobyerno ang mga indibidwal na mayroong hindi bababa sa US$3.4 Milyon (tinatayang aabot sa P197,927,600.00) sa kanilang kabuuang ari-arian. Ang mga indibidwal na umaabot sa ganitong halaga ang pag-aari ay siningil ng buwis na hindi hihigit sa 3.5% ng kanilang yaman. Ang nakolekta ay gagamitin para sa pampublikong serbisyo ng Argentina tulad na lamang ng mga pabahay, subsidya sa edukasyon at negosyo, at lalo na sa mga serbisyong nakatulong sa pagtugon sa panahon ng pandemya.
Naglabas din ng batas noong Disyembre 2021 ang Bolivia na sisingil din ng buwis sa yaman ng mga indibidwal na mayroong kabuuang ari-arian na hindi bababa sa US$4.3 Milyon upang mas matulungan ang libu-libong pamilya sa kanilang bayan na nasasadlak sa hirap.
Sa Pilipinas naman, mula sa mga ulat at pananaliksik ng iba't ibang organisasyon tulad ng Laban ng Masa, kung sisingilin ang nangungunang mga bilyonaryo sa bansa kahit 20% lang ng kanilang kabuuang ari-arian, maaaring makakuha ang pamahalaan ng P1 Trilyon. Maaari sana itong magamit para sa ikauunlad ng bayan, pagsasaayos ng serbisyong pampubliko, pagtugon sa krisis sa kabuhayan at klima. Pakikinabangan ng bawat Pilipino ang progresibong pagbubuwis lalo't lumalala ang iba't ibang krisis tulad ng rumaragasang kalamidad, at kakulangan sa mga pasilidad na kailangan sa edukasyon at kalusugan.
Ano ba ang maaaring maiambag ng P1 Trilyon sa ekonomiya?
Sa P1 Trilyon, maaaring maresolba ang kakulangan sa silid-aralan sa bansa. Ayon sa Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), kulang tayo ng humigit-kumulang 91,000ng silid-aralan na kailangan ng mga mag-aaral at mga guro. Magagamit sana ang P1 Trilyon upang makapagpatayo ng karagdagang mga silid-aralan o paaralan pa sa mga lugar na walang mga paaralan lalo na iyong mga malalayo sa siyudad. Maaari ring magamit ang badyet na ito upang mabawasan ang kawalan ng trabaho sa bansa. Ang kabuuang halagang ito, ayon kay Ka Leody de Guzman, lider-manggagawa, ay maaaring lumikha ng trabaho. Ilan lamang sa kanyang mga nabanggit ay tinatayang 200,000ng barangay health workers, 300,000ng mga guro't trabahador sa mga paaralan, 500,000ng mga manggagang agrikultural na makatutulong pa sa pag-unlad at pagprodyus ng pangangailangan ng mga Pilipino. Ayon sa pag-aaral ng IBON Foundation, ang P610 na minimum wage ngayon sa NCR ay kulang na kulang para sa tinatayang P1,119 kada araw na kinakailangan ng bawat pamilya upang mabuhay sa araw-araw. Maaari ring gamitin ang P1 Trilyong ito upang magbahagi ng ayuda na walang pagtatangi sa antas ng kita at maglunsad ng iba't ibang programang magsusulong ng hustisyang panlipunan. Ang 1 Trilyong Pisong ito ay maaari rin sanang gamitin upang magawan ng paraan ang mga kakulangan sa pampublikong kalusugan. Noong Abril 2020, mayroong tinatayang 3.7 doktor kada 10,000 Pilipino (o 37 doktor kada 100,000 Pilipino). Ito'y lubos na mababa kumpara sa batayang itinakda ng World Health Organization (WHO) na isang doktor kada 1,000 katao. Sa NCR lamang nasusunod ang batayang ito. Malala pa ang nasa ibang bahagi ng bansa, tulad ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na mayroon lamang ratio na 0.8 doktor kada 10,000 mamamayan (o 8 doktor kada 100,000 mamamayan). Sa kabilang banda naman, may kakulangan din tayo sa mga nars. Tinatayang mayroon tayong 8.2 nars kada 10,000 katao (o 82 nars kada 100,000 katao). Malayo ito sa batayan ng WHO na 1 nars kada 1,000 katao o 1:1000. Noong kasagsagan ng pandemya, kulang na kulang sa mga kagamitan at pasilidad upang mabigyan ng sapat na kalinga ang mamamayang Pilipino.
Impormasyon, Balita, at Iba pang Detalye Hinggil sa Wealth Tax sa Kongreso
Ayon sa isang dating kalihim ng Department of Finance (DOF), hindi raw makabubuti sa ekonomiya ng bansa kapag naisabatas ang wealth tax dahil magtutulak ito ng kapital palabas ng bansa. Iniisip ng DOF na iiwas ang mga dayuhang mamumuhunan dahil mas malaki ang sisingilin sa kanila.
Ang tugon ng pamahalaan ay batay lamang sa iniisip na pangangailangan ng kapital. Dapat nitong isipin ang pag-akit ng tamang uri ng pamumuhunan at paggamit ng tamang uri ng financing. Habang iniisip ang kita na kailangan ng bansa ay kailangang isipin din anong mga puhunan ang kapaki-pakinabang sa Pilipinas. Tingnan din dapat ang potensyal sa wealth tax, sa pamumuhunan sa paggawa, at sa pagsuporta sa mga lokal na negosyo.
Kailangan ding maunawaan ng pamahalaan na hindi lamang isang tapat at patas na sistema ng pagbubuwis ang nais ng mga manggagawa't maralita, nais rin ng mga sektor na magamit sa tama ang buwis na makokolekta sa ganitong uri ng buwis. Wala nang maaaring gawing palusot ang pamahalaan upang hindi suportahan ang wealth tax.
Sa pinakahuling ulat ng Forbes, may 5 bilyonaryng Pilipino sa loob ng 2781 na pangalang inilabas nila sa listahan ng mga pinakamayayaman sa buong mundo. Ang limang ito ay ang mga sumusunod at kung pang-ilan sila sa listahan.
190. Manny Villar - USD 11 Billion
224. Enrique Razon - USD 10 Billion
920. Ramon Ang - USD 3.5 Billion
1330. Lucio Tan - USD 2.5 Billion
2152. Tony Tan-Caktiong - USD 1.4 Billion
Sa lima pa lamang na ito, kung susundin natin ang mga maaaring komyutasyon sa HB 10253 na panukalang wealth tax na layunin ay magpataw ng 1% sa kahit sino mang may P1 Bilyon na kabuuang halaga ng ari-arian, 2% sa may P2 Bilyon, at P3% sa may P3 Bilyon, ay makakakalap na tayo ng tinatayang P500,390,850,000.00. Ito'y isa nang napakalaking halaga na manggagaling lamang sa limang tao na maaaring magamit sa kapakanan ng daang milyong Pilipino. Papaano pa kaya kung isali sa kompyutasyon ang mga natitirang bilyonaryong Pilipino na wala sa mga nabanggit na listahan? 3% pa lamang ito ng kanilang mga kabuuang yaman. Ito'y napakaliit na halaga kung ikukumpara sa yamang nakakamal nila sa araw-araw. Ang halagang nabanggit sa itaas ay maaaring magamit sa pabahay, kalusugan, at edukasyon.
Sino ang totoong makikinabang sa wealth tax?
Walang ibang pinaka-makikinabang sa panukalang ito kung hindi ang mga maralita, manggagawa, kababaihan, kabataan, at iba pang aping sektor ng lipunan. Ang perang makakalap ay maaaring magamit sa pagpapabuti ng serbisyong pangkalusugan, pagpapatayo ng mga murang pabahay, at higit sa lahat, dagdag na pondo para sa mga silid-aralan, paaralan, at dagdag sahod sa mga kaguruan at iba pang mga programa na direktang makatutulong sa mga mag-aaral sa araw-araw na gastusin na may kinalaman sa kanilang pag-aaral. Makakatulong din ito sa pagsasaayos at pagpapabuti ng pampublikong transportasyon. Hindi alintana ng mga mayayaman ang ganitong kalagayan ng pampublikong transportasyon kaya't ang mga pangunahing makikinabang dito ay ang masa pa rin.
Sa mga kagyat na pangangailangan ng masa lamang dapat mapunta ang mga ito. Lubos tayong tututol sa patuloy na paggamit ng pera ng bayan sa militarisasyon, pagbili ng mga armas at gamit pandigma, at higit sa lahat, mapunta sa mga confidential funds ng mga pulitiko.
Ano ang maaari pa nating gawin upang maisulong ang buwis sa yaman?
Isa sa mga pangunahing laban ng masa ngayon ay ilantad ang mga kamalian at kabulukan ng sistemang umiiral sa bansa; isang sistemang patuloy na nagpapahirap sa masa't mga manggagawa. Dahil dito, kailangang matibay ang ating mga panawagan na kailangang bakahin at sugpuin ang mga patakarang nagpapalawak at lalim sa di pagkakapantay-pantay at kahirapan tulad na lamang ng TRAIN at CREATE Law.
Nararapat at makatarungan ang paglaban sa regresibong sistema ng pagbubuwis. Milyon-milyon ang naaapektuhan nito. Sa halip na nakakapag-ipon, o napupunta na lang sa pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan ang kanilang pera, kinukuha pa ito sa kanila't hindi rin naman nila mararamdaman dahil sa hindi wastong paggasta ng pondo ng bayan.
Kailangan pa natin pag-igihan ang paglaban sa sistemang mapang-api at patuloy na pananamantala ng mga kapitalista't naghaharing uri. Ayon sa ulat ni Prof. Tadem, pumapatay ang inekwalidad nh hindi bababa sa 21,000 katao kada araw sa buong mundo. Ito ay tinatawag na karahasang pang-ekonomiya o "economic violence". Ang pagtatakda ng wealth tax ay pagsulong rin na lansagin ang sistemang pumapayag na lumala lang nang lumala ang inekwalidad sa bansa.
Lalong malinaw ang kahalagahan ng paniningil ng wealth tax sa mga sitwasyon na malinaw rin na ang mga ari-arian ng pinakamayaman ay bunga ng pagkakamal nang sobra-sobra kaysa sa kanilang kailangan para sila'y mabuhay o magpatakbo sa negosyo. Makatarungan ang prinsipyo na pagbayarin pa ng mas malaking porsyento ng buwis ang mga bilyonaryo dahil ang sobrang yaman ng mga indibidwal na ito ay bunga ng pananamantala at pang-aabuso sa lakas-paggawa ng uring manggagawa. Sa ganitong paraan, maibabalik sa mga manggagawa ang yamang ninanakaw sa kanila.
Hindi pwedeng magbulag-bulagan sa kawalang-pakialam ng mga namumuno sa ating pamahalaan pagdating sa mga pangangailangan ng bansa. Kailangang baguhin ang sistema ng pagbubuwis tungo sa makatarungang pagbubuwis upang matugunan nito ang mga pangangailangan ng mamamayan at ekonomiya ng bayan, maitaguyod ang ating mga karapatan, at makatulong ito sa paglutas ng mga lumalalang krisis sa kabuhayan, kalusugan, edukasyon, at krisis sa klima.
Patuloy tayong magkaisa at magtatag pa ng mga alyansa na ating magiging base at susuporta sa ating pagkilos patungkol sa wealth tax. Napakahalaga ng parteng ito dahil sa pagkakaisa natin makakamit ang ating mga mithiin at magkakaroon ng lakas na tuluyang basagin ang sistemang hindi makatarungan. Hindi pwedeng hindi pansinin ang kawalang-pakialam ng mga namumuno sa ating pamahalaan pagdating sa mga pangangailangan ng bansa.
Lansagin ang sistemang mapang-api!
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento