Mga empleyado ng St. Luke's Medical Center sa BGC, nakatakdang magwelga

Press Release
26 September 2019

MGA EMPLEYADO NG ST. LUKE'S MEDICAL CENTER SA BGC, NAKATAKDANG MAGWELGA

Nagtungo ngayon sa tanggapan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga kinatawan ng St. Luke's Medical Center (BGC) Employees Union - Independent upang magsumite ng Notice of Strike laban sa management ng Ospital. Bunsod ito ng pagbalewala ng pamunuan ng St. Luke's sa kautusan ng DOLE para sa pagdaraos ng Certification Election (CE) upang pagpilian ng mga empleyado ang kanilang kinatawan sa Collective Bargaining Negotiation.

"Ang kalayaan naming mga empleyado na maghalal ng union na kakatawan sa aming interes bilang mga manggagawa ay niyurakan at nilabag ng management ng St. Luke's nang piliin nitong makipag-negotiate sa Alliance of Filipino Workers (AFW) sa kabila ng malinaw na isinasaad ng batas na hindi ito maaaring gawin kung may petisyon para sa pagdaraos ng isang CE," paliwanag ni Sherwin Miscosa, tagapangulo ng unyon.

Naglabas ang DOLE sa pamamagitan ni Med-Arbiter Joel Petaca ng kautusan na magdaos ng Certification Election noong July 22, 2019 pero umapila ang AFW. Ang kaso kaugnay ng CE ay nasa tanggapan na ni Secretary Silvestre Bello III at hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa dini-desisyunan ng kalihim. Alinsunod sa Article 256 ng Labor Code o 'Representation Issue on Organized Establishments" ay hindi maaaring magkaroon ng negosasyon sa pagitan ng AFW at St. Luke's dahil sa klarong pag-iral ng isang lehitimong petisyon para magkaroon ng CE.

"Isa itong porma ng Unfair Labor Practice," pagdidiin ng Moscosa.

"Klarong nagsabwatan ang management ng St. Luke's at AFW upang ipuslit ang isang kaduda-dudang CBA at patuloy na manatili sa puwesto ang nasabing pederasyon at humamig ng milyon-milyong piso mula sa butaw at mga special assessments o bayarin mula sa CBA," dagdag pa ni Moscosa.

Ayon naman kay Gie Relova ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), "Sa katayuan ng St. Luke's bilang pinakamalaking ospital sa bansa at kasama sa mga kilalang pagamutan sa mundo ay mahirap intindihin na hindi nila naiintindihan na ang pagrespeto sa demokratikong karapatan ng kanilang mga empleyado ay isang mahalagang tungkulin na dapat nilang tuparin. Humantong man sa kung anong porma ng pagkilos gaya ng welga ng mga manggagawa ng St. Luke's sa BGC, ang buong pwersa ng BMP ay asahan nang magiging kakapit-bisig ng mga manggagawa." ###

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mga Tala ng Aking Buhay - ni Gregoria de Jesus

Mga Halimbawa ng Bulong

Differences between Metro Manila, Greater Manila and Mega Manila