#WagGas: Salin ng Batangas Declaration
Ang sumusunod na pahayag ay malayang isinalin mula sa wikang Ingles ng manunulat na si Gregorio V. Bituin Jr. bilang bahagi ng kampanya upang mas maunawaan pa ng sambayanan ang isyu,
Sa paglulunsad ng #WagGas noong Abril 20, 2023, binasa ni Bishop Alminaza, isa sa anim na tagapagsalita, ang sumusunod na pahayag:
#WagGas
DEKLARASYON SA BATANGAS: NAGKAKAISANG TINDIG LABAN SA PAGPAPALAWAK NG FOSSIL GAS SA PILIPINAS
Para sa Sustenableng Kinabukasan at 100% Renewable Energy para sa Lahat
KAMI, mga delegado ng Pambansang Pagtitipon ng mga Pamayanang Apektado Fossil Gas at mga grupong sumusuporta, na kumakatawan sa mga pamayanan sa Luzon, Visayas at Mindanao; mga samahang masa at mga organisasyong di-pampamahalaan, mangingisda, kilusang sibiko at pangkapaligiran, mga organisasyon at institusyong nakabatay sa pananampalataya, mga grupo ng manggagawa, mga mamimili, kababaihan, at kabataan ay nagpapahayag:
SAPAGKAT ang Pilipinas ay isang bansang pinagkalooban ng masaganang yaman na higit pa sa kakayahang palakasin ang isang sustenableng kinabukasan habang nagbibigay ng kabuhayang kailangan ng ating mamamayan.
SAPAGKAT sa kanyang unang State of the Nation Address, iniutos ni Pangulong Bongbong Marcos na bigyang-priyoridad ang pag-unlad na salungat sa agos at gitna sa agos (upstream at midstream development) ng natural gas bilang pansamantala sa pagbuo ng mga renewable - batay sa maling akala na ito ay isang malinis na mapagkukunan ng enerhiya. Ang natural na gas ay isang fossil fuel na hindi gaanong salarin sa krisis sa klima kaysa sa karbon o langis. Pangunahin itong binubuo at naglalabas ng methane sa bawat yugto ng value chain nito, at naglalabas ng iba pang mga greenhouse gases sa kapinsalaan ng ating mga pandaigdigang sistema sa klima.
SAPAGKAT kung titingnan sa higit sa 10- hanggang 20-taon na sukat ng panahon, ang methane at iba pang panandaliang greenhouse gas ay nakakaimpluwensya sa pag-init ng mundo kahit sindami ng carbon dioxide. Upang mapanatili ang higit pang sakuna sa pagbabago ng klima, walang mga bagong bukid ng gas, kung saan inaasahang mas maraming natural na gas ang makukuha mula sa sahig ng dagat, ay dapat maaprubahan para sa pagpapaunlad lampas ng 2021. Walang puwang para sa mga kompromiso sa pagkilos ng klima, sa katunayan, at batay sa sulating Laudato Si ng Kanyang Kabanalan Pope Francis: "Ang problema ay pinalala ng isang modelo ng pag-unlad batay sa masinsinang paggamit ng fossil fuels, na nasa puso ng pandaigdigang sistema ng enerhiya." "Alam namin na ang teknolohiyang nakabatay sa paggamit ng lubhang nakakaruming fossil fuel... ay kailangang unti-unting palitan nang walang pagkaantala."
SAPAGKAT ang renewable energy ay naging mas mabubuhay at mapagkumpetensya-sa-gastusin sa mga nakalipas na taon, na nagiging abot-kaya ngunit sustenableng enerhiya na mas abot-kaya ng bawat Pilipinong sambahayan; Ngayon, samakatuwid:
NAGKAKAISA KAMI sa likod ng pag-unawa na ang fossil gas ay nagsasapanganib sa kapakanan ng mga pamayanan, ating kapaligiran, at ating lipunan, at ngayon ay nagpapakita ng ating pagkakaisa sa paglaban sa pagpapalawak nito.
TINUTULIGSA NAMIN ang matinding pagpapalawak ng natural gas sa bansa, na labag sa kapakanan ng Pilipinas bilang megadiverse (o malawakang samutsari) ngunit isang bansang bulnerable sa klima. Mula sa kasalukuyang 3.4 GW na kapasidad ng gas sa pipeline ay bumulusok sa 37.95 GW mula sa 34 na bagong proyekto, na may 11 bagong liquified natural gas (LNG) na mga terminal ng pag-import ay ginagawa na.
DINIRINIG NAMIN ang pandaigdigang panawagang magkaisa upang labanan ang umiiral na banta ng pagbabago ng klima at para sa pag-alis ng mga materyales at proseso na nag-uudyok sa pagtaas ng temperatura sa daigdig, na pangunahin sa mga ito ay ang paggamit ng mga fossil fuel - ito man ay coal o gas - sa pag-generate ng kuryente.
HINIHILING NAMIN na ang Pamahalaan ng Pilipinas, kasama ang Pangulo, Kongreso, at Kagawaran ng Enerhiya na siyang may pananagutan, na ihinto ang pagsisikap nitong palawakin ang ating pagiging palaasa sa gas at sa halip ay trabahuhin ang malawakang paglalagay ng mga enerhiyang renewable.
NANAWAGAN KAMI para sa proteksyon ng aming mga baybayin at ekosistemang pandagat kung saan nakasalalay ang buhay at kabuhayan ng mga pamayanan. Ang mga plantang pinagagana ng gas at mga terminal ng LNG ay inilagay sa tabi ng ating mga karagatan, laot at malalaking anyong tubig upang gamitin para sa kanilang sistema ng pagpapalamig, o upang makatanggap ng mga inangkat na LNG mula sa mga tanker. Ang sedimentasyon at siltasyon na nagreresulta mula sa paghahawan ng lupa, ang hindi maibabalik na pinsala sa mga tahanang dagat na dulot ng paghawan at reklamasyon ng bakawan, ang pagpakawala ng mas maiinit na tubig na ginagamit para sa paglamig ng mga pinatatakbong gas-fired power plant ay ilan lamang sa mga banta, na dulot ng industriya ng fossil gas sa ating pinahahalagahang ekolohiyang pandagat. Pitong mungkahing proyektong fossil gas at walong LNG terminal ang ilalagay sa Batangas, na bahagi ng Verde Island Passage (VIP). Ang VIP ang sentro ng mga sentro ng saribuhay sa karagatan at baybaying isda sa mundo at tinuturing bilang Amazon of the Oceans. Nababahala kami na ang mga gas site sa buong bansa ay sumasalamin sa pinsalang naganap sa VIP. Ang panliligalig, panlilinlang, at panggigipit na kinakaharap ng mga pamayanan, na kadalasang nakukulayan ng mga maling pagtitiyak ng pag-unlad at pagsulong, ay mga katotohanan ding hindi maaaring balewalain. Nagdurusa na sa mga hamon sa klima at pang-ekonomiya, ang industriya ng gas ay nakadagdag pa sa mga pasanin ng mga pamayanang nakaharap sa laban.
HINIHILING NAMIN ang pagpapahinto sa mga proyektong fossil gas na iminungkahi sa Batangas at sa iba pang lugar sa bansa, na nagdudulot ng polusyon at ng pagkasira sa mga lugar na kinalalagyan ng mga ito. Sa isang kamakailang pag-aaral, halimbawa, ang naglalantad sa katotohanang ilang mga pollutant ay umabot na sa hindi ligtas na mga antas sa tubig ng isang nahawahan na ng fossil gas na bahagi ng Verde Island Passage, ngunit walang malinaw na patakarang umiiral upang protektahan ang VIP mula sa karagdagang kontaminasyon. Ang mga awtoridad na responsable sa pangangalaga sa kapaligiran at mga taong umaasa rito para sa kanilang pamumuhay at pinagkukunan ng kabuhayan, pangunahin sa mga ito ay ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at mga local government units (LGUs), ay dapat magpatupad ng pinakamahigpit na pamantayan sa pangangalaga sa integridad ng Sangnilikha, na may malinaw na pagtutuos at pag-uulat hinggil sa kalusugan ng masaganang kalikasan.
HINIHIMOK NAMIN ang Department of Energy (DoE) at Energy Regulatory Commission (ERC) na protektahan ang mga konsyumer mula sa mga hindi makatarungang presyo ng kuryente na resulta ng mga paghihigpit sa Malampaya Gas Field at mamahaling naangkat na mga alternatibong fuel, at itigil na ang paglalako na ang LNG ang solusyon sa problema sa kuryente. Ang digmaang Russia-Ukraine ay nagdulot din ng bagong pagtaas ng presyo ng gas. Ang mga pinatatakbong plantang nagsusunog ng lokal na gas ay patuloy na naniningil sa mga konsyumer ng pabagu-bago at mahal na presyo, salamat sa mga probisyon ng pass-on. Sa gitna ng mga kabiguang ito, ang fossil gas at lahat ng fossil fuel ay kulang din sa pangako ng pagkakaloob ng maaasahan at madaling kamting enerhiya, dahil ang iba't ibang pamayanan sa buong Pilipinas ay patuloy na dumaranas pa rin ng pagkawala ng kuryente o kawalan ng kuryente. Samantala, ang ating masaganang kakayahang renewable ay nagpapatunay na may kakayahang matugunan ang mga pangangailangan habang iniingatan ang ating mga baybayin at karagatan mula sa pagkasira. Ang kamakailang Green Energy Auction Program ay nagbunga ng mas mababa sa 4 Php/kWh na presyo para sa solar. Ang mga renewable ay mas madaling maitayo, na ang mga proyekto ay papasok nang mas mabilis kaysa panahong kinakailangan upang makagawa ng isang planta ng kuryente.
HINIHIMOK NAMIN ang lahat ng Pilipino na magkaisa para sa isang sustenable't pinatatag na kinabukasan at labanan ang fossil gas, na nagbabanta sa paglihis sa mga pangako sa klima ng bansa. Ang mga taon ng walang humpay at nagkakaisang pagkilos laban sa coal ay dapat magpaalala at magbigay ng inspirasyon sa atin na kahit ang isang napakalaking industriya ay maaaring bumagsak laban sa kolektibong kapangyarihan ng sambayanan.
NANAWAGAN KAMI sa lahat ng mamamayan sa Timog-silangang Asya na nahaharap sa matinding pagpapalawak ng mga proyekto ng fossil gas na magkaisang tumindig upang wakasan na ang paggamit ng fossil fuel. Tulad ng laban sa anti-coal, ang oposisyon laban sa gas ay isang tunggaliang isinasagawa ng lampas pa sa Pilipinas.
HININILING NAMIN sa Pambansang Pamahalaan na tuparin ang pinakaambisyosong layuning makamit ang 100% renewable energy mix sa lalong madaling panahon, na kinikilala na ang mga renewable lamang ang siyang tunay na nag-aalok ng malinis, abot-kaya, at madaling makuhang enerhiya para sa mamamayan.
HUWAG PAYAGAN ANG FOSSIL GAS SA ATING MGA BAYBAYIN!
Nilagdaan nitong ika-25 araw ng Agosto 2022 sa Capuchin Retreat Center, Lungsod ng Lipa, Pilipinas
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento