Sina Malakas at Maganda

SINA MALAKAS AT MAGANDA
Kwentong Bayan

Noong unang panahon, ang tahanan ni Bathala ay di masukat na kalawakan. Naging malungkutin si Bathala sapagkat wala Siyang makita at marinig.

Hanggang Kanyang iniwasiwas ang kamay at itinurong pababa. Lumitaw ang daigdig o sangkalupaan. Nilikha niya ang araw na napakaliwanag na ang apoy ay kulay ginto at ang kalangitan ay napapalamutian ng mabubusilak na ulap. Sa kabila ng daigdig ay naroon ang buwan habang kukuti-kutitap ang di mabilang na mga bituin.

Ang daigdig ay di lamang kalupaan kundi nalalang din katubigan kung saan naninirahan ang mga isda at iba pang buhay sa dagat. Nagkaroon din ng mga ilog at batis na napakalinaw ng tubig. Sa kalupaan naman ay sumibol ang mga puno, halaman, bulaklak, kawayan, at samutsaring hayop. Nagliparan naman sa papawirin ang iba't ibang uri ng ibon.

Isang araw, ginalugad ng isang malaking ibon, ang haribon, habang nakasunod ang ilang kalapati, uwak, tagak, at iba pang maliliit na ibon, ang papawirin. Nakarating sila sa kalupaan at natanaw nila ang isang napakataas na kawayan sa kakayuhan. Yumuyukod ito sa hampas ng hangin.

Binilisan nila ang paglipad pababa. Ang kalapati at ang uwak ay sa ibang puno nagtungo, habang ang haribon naman ay sa napakataas na kawayan. Dumapo siya sa kawayan upang magpahinga. Hanggang makita niya ang isang butiking gumagapang sa kawayan. At dahil siya'y pagod at gutom, naisipan iyang tukain ang butiki, subalit mabilis itong nakaalpas.

Sa lakas ng kanyang pagtuka ay nabiyak ang kawayan. Isang makisig na lalaki at isang magandang babae ang lumabas, na kapwa kayumanggi ang kutis.

Nagsalita ang lalaki, "Maraming salamat sa Iyo, dakilang ibon! Ako si Malakas at siya naman si Maganda. Pinalaya mo kami, magiging kasama ka naming habang buhay."

"Hindi maaari," tugon ng ibon. "Ako ay ibon at ang tahanan ko ang malawak na himpapawid. Naglalakbay ako gamit ang aking mga pakpak, gayundin ang mga maliliit na ibong iyon!" Sabay turo sa mga kalapati, uwak, tagak at iba pang ibon. Halikayo, sumakay kayo sa akin, at dadalhin ko kayo sa malawak na kalupaan sa silangan. At doon kayo maninirahan."

Dinala ng malaking ibon sina Malakas at Maganda sa mga luntiang pulong pinalilibutan ng mga ilog at karagatan, sa lugar na kalaunan ay tatawaging Perlas ng Silangan. Doon ay nagsimnulang mamuhay ang mag-asawang sina Malakas at Maganda. Sila ang pinagmulan ng lahing kayumanggi.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mga Tala ng Aking Buhay - ni Gregoria de Jesus

Mga Halimbawa ng Bulong

Differences between Metro Manila, Greater Manila and Mega Manila