Kasaysayan ng APOLA

Kung babalikan natin ang kasaysayan, may Presidential Proclamation Blg. 704 ang Lupang Arenda sa panahon ni dating pangulong Fidel V. Ramos. Subalit binawi ito sa panahon ni dating Pangulong Arroyo sa pamamagitan ng Executive Order No. 854 na nilagdaan noong Disyembre 4, 2009, kung saan ang pamagat ng batas na ito'y "Revoking Proclamation No. 704, S. 1995 and Proclamation No. 1160, S. 2006, and Establishing a Task Force to Formulate and Implement a Comprehensive Rehabilitation Plan for the Napindan Channel, Lupang Arenda and Manggahan Floodway".

Sa ngayon, ang APOLA, na binubuo ng maraming lokal na samahan, ang tanging organisasyong nagsusulong ng katiyakan sa paninirahan sa Lupang Arenda, katuwang at sa tulong ng mga pambansang ahensya ng pamahalaan, mula sa banta ng demolisyon at ebiksyon, dulot ng EO 854.

Patuloy ang APOLA sa pakikipaglaban upang matiyak ang pananatili ng mga nakatira sa Lupang Arenda upang dito'y patuloy na manirahan nang may katiyakan sa paninirahan, may paggalang at pagsunod sa mga prosesong itinakda ng batas.

Subalit sa ngayon, sila'y sinasagkaan ng kanilang kapitan ng barangay. Ayon sa mga residente, hindi pumirma sa Certificate of Posting ang kapitan, alinsunod sa RA 10023 (An Act Authorizing the Issuance of Free Patents to Residential Lands) na nilagdaan ng pangulo noong Marso 9, 2010.

Ang mga kasapi ng APOLA ay nag-aambagan upang matiyak ang sapat na pabahay, at ang P5,000 bawat kabahayan ay mapupunta sa bayad sa survey.

Mas mahal umano ang paisa-isang survey at mababa ang P50,000, subalit sa P5T ambagan ay mas makakamura. Naroon din at nagpaliwanag ang hepe ng UPAO (Urban Poor Affairs Office) ng Taytay, Rizal. Ayon pa sa mga residente, sariling pera ang inaambag nila, at hindi pera ng barangay, alinsunod sa Magna Carta for Homeowners Association, na may Karapatan silang ayusin ang lugar at lutasin ang katiyakan sa paninirahan.

Ang tugon naman ng Barangay Sta. Ana ay ang Resolusyon 125, series of 2018, na nagpapahayag na huwag magbabayad ang mga tao sa survey para sa rekisitos ng titulo. Libre daw ang survey.

Subalit tanong ng mga tao, kung libre ang survey, bakit hindi ito ginagawa ng kapitan ng barangay? Sabi pa ng ilang residente, may ilalabas daw na proklamasyon, na ayon kay Eduardo Del Rosario, chairman ng HUDCC (Housing and Urban Development Coordinating Council), ay maaaring lumabas ng unang quarter ng 2019 (Enero-Marso 2019).

Sa ngayon, nananawagan ang APOLA na sama-sama nilang bantayan at tuklasin ang motibo kung bakit tinututulan ng kapitan ng Barangay Sta. Ana ang pagsisikap nila para sa katiyakan sa paninirahan, at kanilang labanan ang anumang mapanlinlang at mapaniil na hakbanging pumipigil upang kamtin nila ang kanilang mga karapatan sa katiyakan sa paninirahan.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mga Tala ng Aking Buhay - ni Gregoria de Jesus

Mga Halimbawa ng Bulong

Differences between Metro Manila, Greater Manila and Mega Manila