Posisyon ng No Burn Pilipinas (NBP) ukol sa Proposed Guidelines on use of Waste-to-Energy Technology / Facility ng DENR

Posisyon ng No Burn Pilipinas (NBP) ukol sa Proposed Guidelines on the use of Waste-to-Energy Technology / Facility ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)

Ayon sa proklamasyon ni Pangulong Duterte sa kanyang inaugural speech (unang SONA), dapat isaalang-alang ng bansa ang paggamit ng teknolohiyang waste-to-energy upang matugunan ang matagal na nating problema pagdating sa basura o municipal solid waste at siya na rin ang nagsabing upang makatulong sa produksyon ng enerhiya. Alinsunod dito, maglalabas ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng mga alituntunin sa paggamit ng waste-to-energy at sa pamamagitan nito, muling binubuhay ng ahensya ang posibilidad ng malawakang pagsunog ng basura (waste incineration) sa ating bansa.

Nabalitaan namin sa NBP na tapos na ang pagbuo ng nasabing "guidelines" at hinihintay na lamang na aprubahan at pirmahan ito ni DENR Secretary Roy Cimatu.

Ito'y sanhi ng aming lubos na pagkabahala at pagkadismaya. Mahigpit naming iginigiit na hindi makabubuti sa kalikasan at kalusugan ng mamamayang Pilipino ang waste-to-energy kung ang proseso ay incineration. Nananawagan kami sa DENR na huwag nang ituloy ang kanilang panukala para sa waste-to-energy incineration dahil sa mga sumusunod na dahilan.

1. Ilegal ang waste incineration. Ipinagbabawal ng Section 20 ng Clean Air Act of the Philippines (RA 8749) ang pagsunog ng basura. Mali ang akalaing pinayagan daw ito umano ng Supreme Court sa kanilan kasong MMDA vs. JANXOM ENV'L CORP., et. al. (G. R. No. 147465, April 10, 2002). Bagkus, iginiit rito ng Korte Suprema na maaari lamang payagan ang waste incineration kung wala itong dulot na nakalalasong kemikal tulad ng dioxins at furans. Subalit, sa kasalukuyan, napakaraming mga siyentipikong pananaliksik ang nagpapatunay na ang waste incineration - kasama na rin ang mga iba't ibang porma nito tulad ng pyrolysis, gasification, o plasma arc - ay bumubuga ng dioxins at furans sa ating kapaligiran. Dahil ito sa proseso ng pagsunog at presensya ng oxygen. Dagdag pa rito ang katunayan na ang waste incineration ay kontra sa diwa at pangkalahatang alituntunin ng Ecological Solid Waste Management Act of the Philippines (RA 9003) ukol sa mga solid waste management plan ng mga LGU. Isinasaad nito: "The plan shall place primary emphasis on implementation of all feasible reuse, recycling, and composting programs while identifying the amount of landfill and transformation capacity that will be needed for solif waste which cannot be re-used, recycled, or composted." (Sec. 16, RA 9003.)

2. Babaguhin lamang ng waste incinerations ang problema sa basura patungo sa problema ng polusyon sa hangin. Resulta ng proseso ng pagsunog ang pagpakawala sa kapaligiran ng mga heavy metals na naroroon sa basura at pagbuga ng mga nakalalasong usok, lalung Lalo na ang pagsunog ng mga chlorinated na mga materyales (hal. mga plastic at PVC pipes) na maaaring maging sanhi ng mga carcinogens tulad ng dioxins at furans. Kung tutuusin, kulang ang kapasidad at teknolohiya ng DENR sa pagsisiyasat at pag-monitor ng mga kemikal na ito sa hangin at sa mga planta ng waste-to-energy. Samakatuwid, kung papayagan ng DENR ang mga ang mga incinerators, mas malubhang problema sa polusyon ang ating haharapin at hindi tayo magiging handa para rito.

3. Napakabigat ng mga pinansiyal na pangangailangan ng mga incinerators at sa mahabang panahon, maaari ring malugi ang gobyerno sa proyektong ito. Daang milyon o ilang bilyon ang gastos sa pagtatayo, pagpapatakbo at pagpapanatili ng mga planta? Dagdag sa gastusin ang mga mahigpit na patakaran at pananagutang kasama sa mga plano para sa waste-to-energy. Halimbawa na rito ang lock-up period sa mga kontrata, kung saan binibigyan ng garantiya sa kita ang mga investors at technology providers sa takdang panahon sa halip na protektahan ang pinansiyal na kakayahan at integridad ng local na pamahalaan.

4. Sa kasalukuyan, mayroong mga iba't ibang pamamaraan para sa maayos na pagtatapon ng mga biomedical, infectious at hazardous wastes. Para sa mga ordinaryong bansa mula sa mga munisipyo, isinasaad sa RA 9003 ang mga wasto at ligtas na pamamaraan para rito - segregation from source, composting at recycling. Para sa mga medical at infectious waste, nariyan ang autoclaving kung saan napipigilan ang paglaganap ng sakit na walang dulot na polusyon.

5. Nangako ang Pilipinas, sa ilalim ng Stockholm Convention on Persistent Organic Pollutants (POPs), na gawin ang lahat upang puksain ang mga nakalalasong organic na kemikal o POPs). Labag sa pangakong ito ang pagpayag sa waste incineration dahil sanhi ito ng dioxins at furans - dalawang POPs na kasama sa listahan ng mga ipinagbabawal ng Stockholm Convention. Salungat din ang waste incineration sa mga non-combustion POPs project na isinasagawa ng DENR-EMB sa tulong ng Global Environment Facility o UNIDO.

6, Dahil sa mga waste incinerations na mga planta, libo-libong mga tao sa informal sector na nakasalalay ang kabuhayan sa pagpulot, pag-segregat at pag-recycle ng basura ang mawawalan ng trabaho. Sa pagsusunog, sinasayang ng mga waste incineration plants ang samu't saring mga bagay at materyales na maaaring mapakinabangan ng mga naghahanapbuhay sa mga junk shop at materials recovery facilities. Mas maraming trabaho ang nalilikha ng mga recycling centers kaysa mga incinerators. Hindi rin makatutulong ang waste-to-energy sa pagpatupad ng National Framework Plan for the Informal Sectors in Solid Waste Management (inapruba sa pamamagitan ng NSWMC Reso # 47) kung saan nakasaad na dapat maging isang pangunahing bahagi ng solid waste management ang informal waste sector.

7. Mapaparami ng waste incineration ang basura dahil kailangan nito ng basura. Upang maayos at sulit ang pagpapatakbo ng mga planta ng waste-to-energy, araw-araw nitong kailangan ng daan-daang tonelada ng basura. Bagaman tone-tonelada rin ang nalilikhang basura ng bawat lungsod o munisipyo, hindi lahat ng uri ng basura ang maaaring sunugin ng planta ng waste-to-energy. Lalakihan lamang ng waste incineration ang insentibo sa paglikha at pagtapon ng basura sa halip na bawasan at masusi itong ipaghiwa-hiwalay. Samakatuwid, dahil sa incineration, sa simula pa lamang ay bigo na ang mga layunin natin para sa recycling at pagbawas ng basura. Ipinapaalala namin: mandatong konstitusyonal ng DENR na protektahan ang kalikasan at itaguyod ang isang balanseng ekolohiya na ligtas sa kapahamakan para sa kasalukuyan at susunod na mga salinlahi.

Nais naming ipaalam na ang naturingang madaliang solusyon na pangako ng waste-to-energy incineration ay maling solusyon. Nilalagay nito sa kapahamakan ang ating kalusugan at kinabukasan. Sinisira ito ang ating hangin, lupa at tubig. Inaagaw nito ang mga pangkabuhayan ng marami nating mamamayan. Uubusin nito ang pera ng sambayanan at mag-aambag ito sa global warming. Ang pagpayag sa waste incineration ay isang hakbang oatungo sa landas ng walang katapusan at walang hangganang pagkonsumo at pag-aksaya ng mga nauubos na yaman ng sangnilikha.

Sa halip, ang tamang paraan sa paglutas sa problema ng basura ay Zero Waste Management. Mas likas-kaya at mas praktikal ang Zero Waste na paraan dahil tinatangkilik ito ang pag-iwas sa paglikha ng basura. Pinoprotektahan nito ang kalusugan at kabuhayan ng mga tao sa pamamagitan ng paglikha ng mga trabaho at pagpigil sa polusyon. Napakarami nang mga komunidad sa iba't ibang bahagi ng mundo ang nagsasagawa nito at nagpapatunay sa solusyon ng Zero Waste. Ito ang dapat itaguyod, suportahan at paunlarin ng DENR upang mapabilis at maging matagumpay ang paglaganap nito sa ating bansa.

* Ang No Burn Pilipinas ay isang pambansang koalisyon ng mga organisasyon ula sa Luzon, Visayas at Mindanao. Ang mga samahang ito ay kumakatawan sa iba't ibang sektor gaya ng waste pickers, manggagawa, kababaihan, maralitang lungsod, magsasaka, mangingisda, at kabataan. Mayroon ding mula sa mga environmental groups, academe at faith-based organizations.

Nabuo ang koalisyon upang tutulan ang pagpasok at paglaganap ng waste incineration sa ating bansa at manindigan sa mga batas na magpo-protekta sa kagalingan ng mga mamamayan at kalikasan.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mga Tala ng Aking Buhay - ni Gregoria de Jesus

Mga Halimbawa ng Bulong

Differences between Metro Manila, Greater Manila and Mega Manila